Nagbabala si Bureau of Immigration (BI) Commissioner Joel Anthony Viado sa mga dayuhang pugante na huwag subukang pumasok o manatili sa Pilipinas dahil hindi sila makakatakas sa pag-aresto at deportasyon.
Ginawa ni Viado ang pahayag kasunod ng matagumpay na pagpapatapon sa dalawang high-profile fugitives kamakailan.
Nauna nang iniulat ng ahensya ang deportasyon ng Japanese national na si Sasaki Yohei, 36, patungong Tokyo noong Disyembre 9 sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1. Inireport ng mga awtoridad ng Japan na si Sasaki ay miyembro ng isang sindikatong nakabase sa Cambodia na sangkot sa kidnapping, illegal detention, extortion, at panloloko sa telecom.
Samantala, iniulat din ng BI ang pagharang kay Australian national Rodrigo Elices, 32, noong Nobyembre 28 sa NAIA Terminal 3 matapos siyang dumating mula Abu Dhabi. Napag-alamang siya ay nasa ilalim ng red notice ng Interpol.
Ayon kay Viado, si Elices ay miyembro ng kilalang “Hells Angels” gang, isang internationally outlawed motorcycle club na sinasabing sangkot sa organisadong krimen tulad ng drug trafficking. Pinaghahanap siya ng mga awtoridad ng Australia dahil sa pagiging kasapi ng isang sindikatong gumagawa at nagbebenta ng iligal na droga at armas sa Sydney. Nagsilbi rin umano siya ng sentensiya sa Bangkok, Thailand dahil sa paggamit ng ninakaw na pasaporte upang makapasok sa bansa.
Ibinahagi rin ni Viado na nakipagpulong siya sa mga opisyal ng imigrasyon mula sa iba’t ibang bansa upang palakasin ang koordinasyon laban sa mga pugante.
Inatasan na rin aniya niya ang Fugitive Search Unit (FSU) ng BI na lalo pang paigtingin ang kanilang operasyon sa pagtukoy at pag-aresto sa mga ilegal na dayuhang nagtatago sa bansa. Kasama rito ang pagpapalawak ng kasunduan sa pagbabahagi ng datos upang mas mabilis na makuha ang kinakailangang impormasyon para sa mga operasyon.