Dumalo si Senatorial candidate Luis “Chavit” Singson sa Philippine Rural Electric Cooperatives Association Year-End Assessment, Planning, and Thanksgiving sa Manila Hotel nitong Miyerkules.
Sa naturang okasyon, ibinahagi niya kay National Electrification Administration (NEA) Administrator Antonio Mariano Almeda at sa mga miyembro ng asosasyon ang ilang programa na makatutulong sa mga Pilipino, lalo na sa mga mahihirap.
Ipinaliwanag ni Singson ang dahilan ng kanyang pagtakbo bilang senador sa darating na halalan sa Mayo 2025. Isa sa kanyang pangunahing adbokasiya ang pagtatatag ng mas maraming free economic zones upang itaguyod ang kaunlaran sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Kabilang din sa mga plano ni Singson ang pagtatayo ng isang bangko na mas abot-kamay para sa mga Pilipino, partikular sa mga walang bank account. Ayon sa kanya, marami ang nahihirapang makapagbukas ng account dahil sa komplikadong mga requirement ng mga tradisyonal na bangko. Sa pamamagitan ng VBank Digital Bank, magiging mas madali at libre ang pagpapadala ng pera—isang makabagong solusyon para sa mas maraming Pilipino.
Isinusulong din niya ang jeepney modernization program, na naglalayong palitan ang mga lumang jeepney ng mas ligtas at environment-friendly na e-jeepney. Upang matulungan ang mga tsuper at operator, mag-aalok si Singson ng pautang na may mababang interes para sa pagbili ng mga bagong sasakyan.
Bukod dito, binigyang-diin din niya ang Chavit500 Universal Basic Income (UBI) program, kung saan makatatanggap ng ₱500 bawat buwan ang mga Pilipinong kumikita ng mas mababa sa minimum na sahod. Layunin nitong mabawasan ang kahirapan, paliitin ang agwat ng kita, at suportahan ang mga pamilyang nahihirapan sa tumataas na gastusin.
Bilang pangwakas, tiniyak ni Singson na tututukan niya ang iba pang mahahalagang isyu ng bansa sakaling mahalal bilang senador.